
Mismong ang pinakamataas na opisyal ng United Bangsamoro Justice Party — si Bangsamoro Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim — ang nag anunsyo kamakalawa, na ang kandidato ng UBJP sa pagka-governor ng Maguindanao del Norte ay si Tucao Mastura at ang kanyang magiging running mate ay si Marshall Sinsuat.
Si Mastura ay mayor ng Sultan Kudarat habang si Sinsuat naman ay siyang mayor ng maunlad na at mapayapa na Datu Blah Sinsuat sa bandang kanluran ng Maguindanao del Norte.
Ayon kay Ebrahim, presidente ng UBJP, si Mastura at Sinsuat ang may basbas ng partido upang magkandidato sa naturang dalawang mga elective positions sa Maguindanao del Norte, naitatag mahigit dalawang taon pa lang, sakop ang ilang bayan sa dating Maguindanao Province na itinatag noong dekada 70 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
Kinumpirma nitong Lunes ng mga mayors at traditional elders sa Maguindanao del Norte na nagkasundo na ang angkan ng Mastura, kilalang noble Maguindanaon clan, at ang pamilya ni Datu Blah Mayor Sinsuat, na mula din sa isang noble clan, na magtulungan sa pagsulong ng mga peace and development agenda ng UBJP.
Layunin ng UBJP na mas mapalawig pa ang kapayapaan sa Maguindanao del Norte sa pamamagitan ng socio-economic, cultural at inter-faith solidarity programs upang maging maunlad ang probinsya at maging mas matibay ang samahan ng mga Muslim, Christian at mga non-Moro indigenous communities sa mga bayang sakop nito. (October 7, 2024, Contributed)