Jolo Airport sa Sulu may Wi-Fi na para sa mga plane passengers

May Wi-Fi connection na sa Jolo Airport sa mapayapa ng probinsya ng Sulu na maaring magamit ng mga pasahero ng mga eroplano habang nasa pre-departure area nito.Sa mga ulat nitong Sabado ng mga himpilan ng radyo sa Central Mindanao, magkatuwang ang Department of Information and Communications Technology, ang Bangsamoro Airport Authority (BAA) at ang tanggapan ni Bangsamoro Regional Transportation and Communications Minister Paisalin Pangandaman Tago sa pagpapatupad ng naturang proyektong layon ang mas mapaunlad pa ang komersyo sa Jolo at mapalawak pa ang serbisyo ng Ministry of Transportation and Communications sa buong Sulu.Ayon kay Tago, isa sa 80 na miyembro ng BARMM parliament, ang Wi-Fi project sa Jolo Airport ay kaugnay ng digitalization program ng Malacañang na naglalayong mas maging epektibo ang serbisyo ng lahat ng ahensya ng pamahalaan sa lahat ng rehiyon sa bansa.Ang dating magulong Sulu, kung saan dating may presensya ng teroristang grupong Abu Sayyaf na magkatuwang na nabuwag na ng pulisya, ng militar at ng provincial at municipal governments sa probinsya, ay kilala ng isang tourist destination dahil sa likas na ganda ng mga beach resorts nito na bukas 24-oras at potential na lugar din para sa mga agricultural projects na maaring pondohan ng mga kapitalistang taga-labas. (June 1, 2024)