
MANILA, Philippines (PILIPINO STAR NGAYON, SEPT. 28, 2024) — Higit 100 katao sabay-sabay tumawid Umabot sa 43 estudyante at pitong guro ng Abuyo National High School ang sugatan nang mahulog mula sa hanging bridge na bumigay at napigtas sa Alfonso Castañeda sa Nueva Vizcaya, Huwebes ng umaga.
Ayon sa Alfonso Castañeda Municipal Police Station, alas-8:30 ng umaga nitong Huwebes nang tumatawid sa hanging bridge ang mga estudyante sa Sitio Melina patungong Sitio Diogan, Brgy. Abuyo, Alfonso Castañeda ng nabanggit na probinsya.
Nabatid na patungo sa kabilang sitio ang may 91 estudyante, walong umpires, apat na coaches, at apat na officiating officials sa school-based intramurals sa open court ng Sitio Diogan.
Dito ay sabay-sabay silang dumaan sa hanging bridge nang biglang bumigay at mapigtas ito na sanhi ng pagkahulog ng 43 estudyante at pitong guro.
Agad namang naisugod ang lahat ng mga biktima sa Rural Health Unit ng lungsod.
Dagdag ng Alfonso Castañeda Police, gawa lamang sa tali ang bumagsak na hanging bridge na hindi kinaya ang bigat ng mga taong tumatawid.
Una nang pinaalalahanan ang mga bata na tig-lima lang ang dadaan sa tulay subalit hindi nasunod.
Taong 2015 pa umano itinayo ang hanging bridge, ayon sa mga opisyal ng Brgy. Abuyo. May kalayuan ang lugar ng insidente at nasa 30 hanggang 45 minuto mula sa sentro ng Alfonso Castañeda.
PILIPINO STAR NGAYON, SEPT. 28, 2024, DORIS FRANCHE BORJA