Napatay ang isang police captain ng kanyang sinita na isang lalaking napuna niyang may sukbit na baril sa baywang habang naglalakad sa isang palengke sa Parang, Maguindanao del Norte nitong umaga ng Huwebes, May 2, 2024.
Ang biktima, si Captain Roland Moralde ng 14th Mobile Force Battalion ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ay hindi na umabot ng buhay sa pagamutan kung saan siya dinala ng mga emergency responders para malapatan sana ng lunas.
Napatay naman ang bumaril kay Moralde, si Mohiden Ramalan Untal, ng mga nagrespondeng pulis ng nanlaban habang sinubukan nilang pasukuin ng maayos.
Sa inisyal na pahayag ni Major Christopher Cabugwang, Parang municipal police chief, agad na pumanaw si Moralde sa mga tama ng bala sa katawan at sa ulo.
Ayon sa mga saksi, may sadya lang sa palengke sa Barangay Poblacion ng Parang si Moralde ng kanyang napansin na may baril sa baywang si Untal sa hindi kalayuan kaya niya ito nilapitan at sinita mag-isa.
Bagama’t una siyang nabaril ng ilang beses, nakaganti ng putok si Moralde na nagsanhi sa bahagyang pagkasugat ni Untal, kaya duguan na ito ng tumakbo palayo hanggang inabutan at napatay ng mga kasapi ng Parang Municipal Police Station.
Ang pinangyarihan ng insidente ay mahigit isang kilometro lang ang layo mula sa Camp SK Pendatun kung saan naroon ang headquarters ng PRO-BAR. (May 2, 2024)