MILF leader na may P1.3-M reward na patong sa ulo, arestado

Nasukol ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group sa Barangay Tuca sa Marawi City nitong Sabado ang isang commander ng Moro Islamic Liberation Front na wanted sa ibat-ibang kaso at may patong na P1.3 million reward sa kanyang ulo.

Kinumpirma nitong Linggo ni Brig Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na nakaulong na ang matagal ng wanted na si Jovy Sanguila na may kinakaharap na mga kaso sa ibat-ibang korte dahil sa kanyang pagkakasangkot diumano sa pag-atake sa mga bayan ng Kolambugan at Kauswagan sa Lanao del Norte noong August 18, 2002.

Ang naturang insidente ay nag-resulta sa pagkamatay ng 23 katao, kabilang sa kanila sina Lt. Col Angelo Benitez ng 102nd Infantry Brigade at Police Patrolman Dexter Salvacion.

Ayon kay Tanggawohn, natunton si Sanguila sa Barangay Tuca sa Marawi City ng mga CIDG-BAR agents, pinamumunuan ng kanilang regional chief na si Lt. Col. Ariel Huesca, at ng mga operatiba ng ibat-ibang unit ng PRO-BAR, sa tulong ng mga impormante ang ng local government officials ng Lanao del Sur at Marawi City.

Magkahiwalay na kinumpirma ni Tanggawohn at ni Huesca na naglaan ang national government ng P1.3 million na reward para sa sinumang makakatulong sa pag-aresto kay Sanguila. (June 9, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *