Ilang local officials na hindi sakop ng Bangsamoro government ang nagalak sa pagkakapasa ng Bangsamoro Local Governance Code nitong Huwebes, September 28, 2023.
Ang Bangsamoro Local Governance Code, o BGLC, ay produkto ng tatlong taong deliberasyon ng regional parliament at mga resource persons mula sa ibat-ibang panig ng autonomous region.
Sa isang opisyal na pahayag nitong Sabado, September 30, 2023, tiniyak ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño Mendoza ang suporta sa pagpapatupad ng bagong pasang BLGC sa 63 na mga Bangsamoro barangays sa ibat-ibang bayan sa kanilang probinsya na nasa teritoryo ng Administrative Region 12.
Ayon kay Mendoza, chairperson ng Regional Development Council 12, naniniwala siyang mas lalawig pa ang serbisyo publiko ng Bangsamoro regional government at mga LGUs na sakop nito batay sa devolution of powers na mandato ng bagong BLGC, tatlong taong binuo ng 80 na kasapi ng regional parliament.
Maliban sa pagbibigay ng sapat na kapangyarihan sa mga LGUs sa rehiyon, layun din ng BLGC na masugpo ang political dynasty at monopolya ng mga malalaking angkan ng pulitika sa kani-kanilang mga bayan at probinsya.
Magkahiwalay na nagpahayag din ng kagalakan sa pagkakapasa ng BLGC sina Cotabato 3rd District Congresswoman Samantha Santos at si Mayor Rolly Sacdalan ng Midsayap sa naturang probinsya.
Si Mendoza, Santos at Sacdalan, bagamat hindi mga taga Bangsamoro region, ay kilala sa kanilang masigasig na pagsuporta sa peace process ng Malacañang at ng mga Moro communities sa Mindanao na siyang dahilan kaya itinatag ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon kay Sacdalan, lahat ng makakabuti sa mga taga BARMM ay makakabuti din sa mga bayan na nasa paligid ng rehiyon, katulad ng Midsayap at ilan pang bayan sa probinsya ng Cotabato. (September 30, 2023) JOHN UNSON