3 menor-de-edad nalunod sa fishpond sa Cotabato

Namatay sa pagkalunod ang tatlong mga batang lalaki habang nanghuhuli ng isda sa isang malalim na fishpond sa Barangay Dalapitan sa Matalam, Cotabato kamakalawa.

Sa mga hiwalay na ulat nitong Huwebes, kinumpirma ng Matalam Municipal Police Station at ni Roel Vargas, tagapamahala ng Matalam Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang pagkamatay ng tatlong bata na hindi na kinilala sa kahilingan ng kanilang mga pamilya.

May paniwala ang mga imbestigador ng Matalam MPS at si Vargas na posibleng unang nalunod ang isa sa tatlong mga batang lalaki sa malalim na bahagi ng fishpond sa Purok Santol sa Barangay Dalapitan at nalunod na rin ang dalawa nitong kasama sa tangkang pagsagip sa kanya.

Ayon kay Matalam Vice Mayor Ryan Rafael, tutulungan nila ang mga pamilya ng biktima sa pagpapalibing ng mga ito.

Nanawagan din si Rafael sa mga barangay officials sa Dalapitan, sa kanilang MDRRMO at sa Matalam MPS na imbestigahan ng malalim ang insidente. (JUNE 27, 2024, HANDOUT PHOTO)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *