Abot na sa 20 na mga lumabag sa gun ban na ipinapatupad ng Commission on Elections ang naaresto ng mga operatiba ng mga unit ng Police Regional Office-13 mula ng ito ay ipinatupad noong August 28 kaugnay ng nalalapit na October 30 barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ito ay kinumpirma nitong Biyernes, September 29, 2023, ni Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft, director ng Police Regional Office-13, kasabay ng kanyang pagpapahayag ng pasasalamat sa mga local executives sa mga bayan sa Caraga region sa suporta sa kampanya ng Comelec at pulisya na naglalayong maging mapayapa ang October 30 BSKE.
Ayon kay Kraft, ilan sa mga nasamsam na baril kaugnay ng kanilang pagpapatupad ng gun ban ay pag-aari ng mga suspects sa ibat-ibang krimen na nahainan ng mga warrant of arrest at nasabat sa mga checkpoints sa mga probinsya ng Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur at sa Butuan City sa mga operasyong nagsimula noong August 28.
Magkatuwang na nasampahan na ng PRO-13 at ng Comelec ng kaukulang kaso ang mga na-arestong gun ban violators, ayon kay Kraft. (September 29, 2023, JOHN UNSON)