
Nagtamo ng maselang tama ng bala sa ulo ang nakakatandang kapatid ng provincial election supervisor ng Sulu ng sila ay tambangan ng mga armadong motorista sa Barangay Sta. Maria sa Zamboanga City nitong umaga ng Sabado, December 21, 2024.
Sa inisyal na ulat ng mga opisyal Zamboanga City Police Office at ng Police Regional Office-9 isang oras matapos ang insidente, magkasama sa isang Toyota Fortuner ang abugadong si Vidzfar Amil Julie, 51-anyos, provincial supervisor ng Commission on Elections sa Sulu, at ang kanyang 57-anyos na kapatid na si Nasser ng sila ay pagbabarilin ng mga armadong sakay ng motorsiklo.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang kapatid ng Comelec official na maagap namang naisugod ng mga emergency responders sa isang hospital para malapatan ng lunas.
Ayon kay Police Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng PRO-9, inaalam pa ng kanilang mga imbestigador kung sino ang nasa likuran ng naturang krimen upang masampahan ng kaukulang mga kaso.
Mabilis na nakatakas ang mga bumaril Julie sakay ng kanilang motorsiklo matapos paputukan ng ilang ulit ang kaliwang gulong sa likuran ng kanilang sasakyan kaya naiwan na ito sa gitna ng kalye, ayon sa mga barangay officials na nag-responde sa insidente. (December 21, 2024)