Dating BIFF commander, arestado sa ibat-ibang kaso

Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group sa Datu Piang, Maguindanao del Sur nitong Miyerkules ang isang dating commander ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na nasangkot sa ibat-ibang mga krimen bago ito sumuko sa militar tatlong taon na ang nakakalipas.Sa ulat nitong Huwebes ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, hindi na pumalag ang suspect, si Abunawas Ibad Damiog ng silbihan ng mga warrants of arrest ng mga operatiba ng CIDG-BAR, pinamumunaan ng kanilang regional chief na si Lt. Col. Ariel Huesca, sa isang lugar sa poblacion ng Datu Piang.Sa mga hiwalay na pahayag, kinumpirma ni Tanggawohn at Huesca na wala pang mga warrants of arrest mula sa ibat-ibang mga korte para sa 65-anyos na si Damiog, kilala noon na Commander Bayawak ng BIFF, ng siya ay sumuko sa 1st Mechanized Brigade noong 2021, matapos siyang masangkot sa ibat-ibang mga krimen.Ayon sa mga opisyal ng ibat—ibang units ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office, kabilang sa mga kinakaharap na kaso ni Damiog, naisampa sa ibat-ibang mga korte sa Central Mindanao, ang multiple murder, arson, at ang kanyang pagkasangkot diumano mga madugong pag-atake sa simbahang Katoliko sa Datu Piang at sa police station ng naturang bayan kung saan kanilang sinunog ang isang patrol vehicle sa naturang insidente.Pinasalamatan nitong Huwebes ni Tanggawohn at ni Huesca ang mga impormanteng tumulong na matunton sa Datu Piang ang wanted na si Damiog, na nakunan ng isang .45 caliber pistol ng mga CIDG-BAR agents na umaresto sa kanya. (June 6, 2024)