
Kulong agad ang isang beautician na konektado sa isang parlor na nakunan ng shabu at isang home-made na baril sa kanyang tahanan sa Tacurong City sa Sultan Kudarat na ni-raid ng mga pulis nitong hapon ng Biyernes, December 6, 2024.
Sa pahayag ng Police Regional Office-12 nitong Linggo, isinagawa ang search operation sa tirahan ng suspect, si Ronnie Jamelarin, sa Barangay San Pablo sa Tacurong City batay sa mga ulat ng mga kakilala hinggil sa kanyang patuloy na pagka-addict sa shabu sa kabila ng pagkakakulong na ng dalawang beses kaugnay ng mga kasong pagbebenta at paggamit ng illegal na droga.
Maliban sa siyam na sachet ng shabu na natagpuan ng mga operatiba ng Tacurong City Police Station at Sultan Kudarat Provincial Police Office sa kanyang tirahan, nakunan din si Jamelarin ng isang improvised gauge 12 shotgun single-shot pistol.
Nahaharap na si Jamelarin sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearm. (Dec. 8, 2024, with handout photo, Larry Geronio)