Malaking bilang ng mga informal sector workers sa probinsya ng Sulu ang nakabenepisyo sa isang outreach mission ng Bangsamoro labor and employment ministry sa bayan ng Jolo nitong Linggo.
Sa ulat ng ibat-ibang mga himpilan ng radyo sa Basilan-Sulu-Tawi (Basulta) area at Zamboanga City nitong Martes, July 30, 2024, mismong si Bangsamoro Labor and Employment Minister Muslimin Sema at iba pang ministry officials ang nanguna sa pamimigay ng 500 bags ng tig 25-kilong bigas at iba pang relief supplies para sa mga informal sector workers sa isang programang ginanap sa District Engineer’s office ng Bangsamoro public works ministry sa Jolo, ang provincial capital ng Sulu.
Nagtulungan sa pagsagawa ng naturang aktibidad ang Ministry of Labor and Employment-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ang tanggapan ni Minister Raisa Jajurie ng Ministry of Social Services and Development-BARMM at ang mga kawani ng kanilang Sulu provincial office.
Nagsagawa din ng payouts sina Minister Sema at iba pang mga opisyales ng MoLE-BARMM para sa mga benepisyaryo ng Bangsamoro Internship Development Program, Special Program for Employment of Students at ang Community Emergency Employment Program na kanilang ipinapatupad sa Bangsamoro region. (July 30, 2024)