Bangkay ni kidnap victim Eastman, hinahanap

Aminado ang Philippine National Police sa Zamboanga nitong Biyernes, Disyembre 6 na posibleng mahirapan silang marekober ang bangkay ng American vlogger na si Elliot Eastman makaraang sabihin ng isa sa mga umano’y dumukot dito na itinapon na nila ito sa dagat.

Nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na maaaring napatay si Eastman sa gabi rin ng pagdukot dito.

Ang katawan nito ay pinaniniwalaang itinapon sa dagat sa Labuan, Zamboanga City habang ang mga dumukot naman sa kanya ay tumakas as Sibuco, sa gabi ng Oktubre 17, 2024.

Ikinokonsidera ang lalim at lawak ng dagat at dami ng mga dumaang sama ng panahon sa rehiyon mula noong Oktubre, na nagpapahirap umano sa posibilidad na mahanap pa ang bangkay ni Eastman, ayon kay Police Regional Office 9 spokesperson Col. Ramoncelio Sawan.

“Right now po, it’s really hard to tell kung saan at kelan natin mahanap kung meron pa. Kasi po, yung pinaghulugan ng katawan niya is sabi nila, is far from the shoreline tapos the depth of the location aabot sa 900 meters tapos unfortunately nadaanan pa tayo ng recent series ng bagyo. Although mahirap, sinusubukan pa rin nilang hanapin,” pahayag ni Sawan.

Si Eastman, 26, ay nakatira sa Barangay Población, Sibuco, Zamboanga del Norte kasama ang asawa nito, nang dukutin ng mga armadong kalalakihan.

Nagtamo ito ng tama ng bala ng baril habang nagpupumiglas sa pagdukot dito.

Source: Remate Online, December 6, 2024, RNT/JGC

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *