
Suportado ng Bangsamoro transportation and communications ministry ang pagtatag ng Metro Jolo Inter-Agency Council na tutulong sa mga programang magpapalawig ng kaunlaran at kapayapaan sa tatlong bayan sa mapayapa at progresibo ng probinsya ng Sulu.
Nagpahayag ng suporta nitong Martes, August 27, 2024, si Bangsamoro Transportation and Communications Minister Paisalin Pangandaman Tago sa mga adhikain ng bagong tatag na Metro Jolo Inter-Agency Council, o MJIAC, kung saan kabilang ang Sulu provincial office ng Bangsamoro Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Sakop ng bagong organisang MJIAC ang mga magkakatabing mga bayan ng Talipao, Indanan at Jolo na kilala na lahat sa pagiging mapayapa at sentro ng napaka-aktibong komersyo sa Sulu.
Ang ngayon ay kasapi na ng MJIAC na BLTFRB ay nasa ilalim ng Ministry of Transportation and Communications ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na may mga ahensiya din na namamahala ng airport at seaport sa Jolo, na siyang kabisera ng Sulu.
Ang bagong tatag na MJIAC ay may tatlong task groups na tututok sa domestic security, public safety and welfare at waste management, kaugnay ng pro-people at local community improvement targets nito at para din makasuporta sa mga peace and development initiatives ng mga local government units ng tatlong bayan na sakop nito, ng Sulu provincial government, ng pulisya at militar.
Nagpulong nito lang nakalipas na linggo ang mga representatibo ng mga agencies na kabilang sa MJIAC sa headquarters ng 1103rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa Camp Bud Datu sa Barangay Tagbak sa Indanan at nagkasundo na palakasin ang kanilang kooperasyon sa pagsulong ng mga layunin ng naturang council. (August 27, 2024)