
Sa kulungan ang bagsak ng isang Abu Sayyaf terror group member na may patong sa ulo na P600,000, na-aresto sa isang police operation sa Isabela City, Basilan nitong umaga ng Lunes, September 23, 2024.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Martes ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, at ng Basilan Provincial Police Office, nasukol ng mga pulis, sa tulong ng mga local officials ang wanted sa ibat-ibang mga kaso na si Mobin Kullin sa Barangay Tabiawan sa Isabela City pasado 9:00 ng umaga nitong Lunes.
Ang Department of the Interior and Local Government at Department of National Defense, sa pamamagitan ng joint DILG-DND reward order, ang nag-alok ng P600,000 na reward sa sinumang makakatulong sa pag-aresto kay Kullin, wanted sa 21 na mga kaso kaugnay ng kanyang pagkakasangkot sa mga serye ng pagpatay, panunog ng mga bahay, at pag-kidnap ng hindi bababa sa 50 na mga residente sa mga bayan ng Basilan at sa dalawang lungsod na sakop nito, ang Lamitan at Isabela, at sa ilang mga bayan sa Zamboanga peninsula.
Ayon kay Masauding, hindi na pumalag si Kullin ng pakitaan ng ilang mga warrant of arrest para sa kanya, mula sa ibat-ibang korte sa Basilan, ng mga magkasanib na mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-9, ng mga kasapi ng mga unit ng PRO-9, ng Isabela City police station at ng Basilan Provincial Police Office. (Sept. 24, 2024)