Drug den isinara, dealer timbog sa hiwalay na PDEA operations

Limang magkasama sa isang drug den sa Pagadian City ang na-aresto nitong Lunes, May 6, habang isang dealer naman ang nakunan ng P340,000 na halaga ng shabu nitong Miyerkules, May 8, sa Maguindanao del Sur sa mga hiwalay na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency. Sa ulat nitong Huwebes, May 9, 2024, ni Maharani Gadaoni-Tosoc, director ng PDEA-9, naaresto sa isang raid ng kanilang agents nitong Lunes sa Purok Upper Lumboy sa Barangay Tuburan sa Pagadian City ang drug den operator na si Flor Ponce Espinosa, 42-anyos, at apat na mga kasama na hindi na kinilala dahil mga menor-edad. Nakunan sila ng 25 sachet na mga shabu at mga gamit sa pagsinghot nito sa naturang operasyon, ayon kay Gaodani-Tosoc. Nitong Miyerkules, isang nagbebenta ng shabu malapit sa mga paaralan, si Jomarie Kabucan Sakilan, ang nakunan ng P340,00 na halaga ng shabu ng mga kasapi ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa isang entrapment operation sa Barangay Kanguan sa Datu Piang, Maguindanao del Sur. Kinumpirma nitong Huwebes ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-BARMM, na nasa kustodiya na nila si Sakilan at nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 gamit ang shabu na kanyang nabenta sa kanilang mga hindi unipormadong mga operatiba sa naturang entrapment operation na inalalayan ng local government unit ng Datu Piang. (May 9, 2024)