River docks itatayo ng BARMM sa Ligawasan Delta

Dalawang malalaking konkretong daungan ang itatayo upang mapadali ang paghahatid sa mga palengke sa ibat-ibang mga probinsya ng mga isdang tabang mula sa 220,000-ektaryang Ligawasan Delta kung saan ilang libong mga dating rebeldeng Moro ang namumuhay na ng tahimik bilang mga mangingisda. Ang isa sa dalawang river docks na proyekto ng Ministry of Transportation and Communications-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, nagkakahalaga ng P18.5 million, ay itatayo sa Barangay Gambar sa Kabuntalan, Maguindanao del Norte habang ang isa naman, napondohan ng P18.4 million, ay sa Libungan Toreta sa bayan ng Libungan sa probinsya ng Cotabato. Sa pahayag nitong Martes, May 28, 2024, ni Bangsamoro MoTC Minister Paisalin Pangandaman Tago, may kontrata na ang kanyang tanggapan sa dalawang construction companies na magsasagawa ng naturang infrastructure projects na kailangan upang mas mapabilis ang paghahatid ng mga isdang mula sa malawak na Ligawasan Delta sa mga palengke sa mga bayan sa Maguindanao del Norte at Cotabato at dito sa Cotabato City. Ang Ligawasan Delta, pinaka-malawak na inland marsh sa Pilipinas, ang siyang pinagmumulan ng supply ng isdang tabang na nabibili sa mga palengke sa mga lungsod at mga bayan sa mga probinsya sa Central Mindanao. Ang Ligawasan Delta ay napapaligiran ng mga probinsya ng Cotabato at Sultan Kudarat sa Region 12, ng Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte sa BARMM, at malapit din sa silangang bahagi ng Cotabato City. (May 28, 2024)