Shabu, pampasabog nasamsam sa 5 bandidong napatay

Abot sa P324,000 na halaga ng shabu at mga gamit sa paggawa ng improvised explosive devices ang natagpuan ng mga imbestigador sa hideout ng limang bandido na napatay sa isang police operation sa Aleosan, Cotabato nitong Miyerkules. Isang Special Action Force commando, si Cpl. Jed Michael Gregorio, ang nasawi sa insidente na nagsanhi din ng pagkakasugat ng tatlo niyang kasama, ngayon ginagamot na sa isang hospital. Sa mga hiwalay na ulat nitong Huwebes, kinumpirma ng Aleosan Municipal Police Station at ng Police Regional Office-12 na agad na inilibing ng mga kamag-anak ang napaslang na criminal gang leader na si Macabuat Salik at apat nitong mga tauhan, sina Norhamen Malidas, Raup Malidas, Faisal Kanggel at Palog Sakib na sangkot sa pagbebenta ng shabu, extortion at pagnanakaw ng mga baka at kalabaw sa mga liblib na mga lugar. Magsasagawa lang sana ng mapayapang search operation sa hideout nila Macabuat at apat niyang tauhan sa Purok 7 sa Barangay New Panay ang magkasanib na mga tropa ng SAF at mga operatiba ng PRO-12 ngunit sila ay pumalag kaya nagkalipatan ng putok na nagresulta sa agarang pagkamatay nilang lima. Maliban sa mga shabu at mga gamit sa paggawa ng mga IED, natagpuan din ng pulis sa kanilang hideout ang ilang mga granada at assault rifles na kanila diumanong ginamit sa pananakot ng mga magsasakang kanilang kinokolektahan ng pera bawat buwan. (JULY 11, 2024)