5 human trafficking victims na-rescue sa Zamboanga City

Lima katao na pinangakuan ng trabaho sa Thailand ang maagap na na-rescue at agad namang na-aresto ang nanloko sa kanila sa isang police operation sa Zamboanga City nitong hapon kamakalawa.

Sa ulat nitong Martes ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, ang apat na mga babae at isang lalaking biktima ng mga illegal recruiters ay mula pa sa malalayong lugar.

Sumakay sila ng eroplano patungong Zamboanga City dahil ilalabas diumano sila ng bansa patungong Thailand mula Tawi-Tawi, kilalang “southern backdoor” ng bansa, ng nag-recruit sa kanila para sa trabahong may malaking sahod sa naturang bansa.

Nalaman ng mga kasapi ng Zamboanga City Police Office ang presensya ng limang human trafficking victims ng nag-ulat ang mga kawani ng isang hotel kung saan sila pansamantalang titira habang maghihintay diumano ng kanilang takdang pagbiyahe patungong Thailand.

Naaresto ang isa sa mga sumundo sa kanila sa Zamboanga City airport at naghatid sa kanila sa naturang hotel at kusang loob ng kinilala sa mga imbestigador kung sino ang mga responsable sa panloloko sa limang biktima. (September 17, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *