3 madugong ‘rido’ sa Basilan, na-areglo

Ganap ng natuldukan nitong Martes, December 17, 2024, ng mga Army at police officials at mga local executives ang tatlong mga madugong “rido” ng anim na magkalabang grupo sa Tabuan-Lasa, Basilan.

Lumagda sa isang peace covenant ang mga pinuno ng mga angkan na sangkot sa tatlong ibat-ibang rido, o clan war sa wikang English, sa isang seremonyang ginanap sa Barangay Bukut-umus sa Tabuan-Lasa.

Ang okasyon ay magkatuwang na inorganisa ni Army Brig. Gen. Alvin Luzon ng 101st Infantry Brigade, ng mga opisyal ng Basilan Provincial Police Office at nila Tabuan-Lasa Mayor Moner Manisan at Gov. Hadjiman Salliman na nagtulungan sa pagkumbinsi sa mga magka-away na mga grupo na magkaisa na at muling mamuhay ng mapayapa.

Nag-ugat ang kanilang mga hiwalay na rido sa agawan ng control ng karagatan sa palibot ng Tabuan-Lasa kung saan sila nangingisda ng ibat-ibang exotic fish species at ng blue at yellow fin tuna na kanilang binebenta sa mga negosyante sa ibat-ibang mga bayan sa Basilan.

Kabilang sa lumagda sa peace pact na nagwakas sa madugong alitan ng mga magkalabang mga angkan ang ilang mga municipal leaders ng Moro National Liberation na may mga armadong tauhan.

Kanilang ipina-kustodiya sa 101st Infantry Brigade ang ilang mga assault rifles, grenade launchers at mga pistols bilang suporta sa Small Arms and Light Weapons Management Program ng tanggapan ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Carlito Galvez, Jr. na ipinapatupad sa Basilan ng tanggapan ni Salliman at mga opisyal mga Army units sa probinsya. (December 19, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *