
Napatay ng mga sundalo nitong Linggo ang tatlong miyembro ng New People’s Army na naaktuhang puwersahang nangingikil ng “protection money” sa mga mahihihirap na residente ng Barangay Malna sa Kapai, Lanao del Sur.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Lunes ng Lanao del Sur Provincial Police Office at ng 55th Infantry Battalion ng Philippine Army, unang pinaputukan ng mga NPA ang mga sundalong nagpapatrolya sa Sitio Bagong Silang sa Barangay Malna kaya nagka-engkwentro na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo sa kanila.
Sa ulat ni Lanao del Sur PPO sa tanggapan ng Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, inabutan ng mga tropa ng 55th IB ang mga NPA sa Sitio Bagong Silangt na sapilitang humihingi ng pera at bigas sa mga pamilyang mga nakatira sa naturang lugar.
Nasamsam ng mga taga 55th IB ang apat na assault rifles na natagpuan sa tabi ng mga bangkay ng apat na mga guerilla na kasapi ng North Central Mindanao Regional Committee ng NPA na ang mga pinuno ay may mga kinakaharap na mga kaso sa ibat-ibang mga korte sa Bangsamoro region at sa Region 10. (October 7, 2024)