
Tatlong mga wanted sa mga high-profile criminal cases na diumano konektado sa mga lokal na teroristang grupong hawig sa Islamic State of Iraq and Syria ang naaresto ng mga pulis dito sa lungsod nitong gabi ng Linggo.
Sa inisyal na pahayag nitong Linggo, kinumpirma ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang pagkakaaresto sa tatlo sa kanilang pinagtataguang bahay sa Mabini Street sa Barangay Bagua 3, Cotabato City.
Isa sa kanilang tatlo, isang lalaki, ay wanted sa kasong paglabag sa International Humanitarian Laws, genocide at may kinakaharap din na kasong illegal possession firearms and explosives.
Ang dalawang mga babaeng kasama ng naarestong wanted sa naturang kaso ay may mga kinakaharap din na kasong frustrated murder at harboring of a wanted person na may kaugnayan diumano sa Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Sa tala, 1,895 na na mga miyembro at supporters ng dalawang grupo ang sumuko sa mga units ng PRO-BAR at ng 6th Infantry Division ng Philippine Army nitong nakalipas na tatlong taon. (November 17, 2024)