20 dating armadong Moro sinanay sa pagsasaka

Nadagdagan ng 20 pang dating mga armadong kalaban ng pamahalaan ang natuto ng modernong pamamaraan ng pagsasaka na kanilang kailangan sa pagbabagong buhay matapos ang mahabang panahon na pagkakasangkot sa mga kaguluhan.

Ang 20 na mga Maranao mula sa ibat-ibang bayan sa Lanao del Sur na lumahok sa Agricultural Crops Production National Certificate III Skills Training na nagtapos nitong Biyernes, September 29, 2023, ay tumanggap din ng support fund na tig P11,260 bawat isa bilang inisyal na ayuda mula sa Bangsamoro government.

Nagpahayag ng kagalakan nitong Linggo, sa isang press statement, si Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. sa magkatuwang na pagsagawa ng naturang agricultural skills training ng dalawang ahensiya ng Bangsamoro government, ang Ministry of the Interior and Local Government at ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education, bilang suporta sa programang Tulong Ng Gobyernong Nagmamalasakit, na mas kilala bilang “Project Tugon” sa buong rehiyon.

Ang Project Tugon ay isa sa mga flagship programs ng MILG-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na may mga inisyatibong naglalayong mapagaan at mapabilis ang pagbabagong buhay ng dating mga kasapi ng mga armadong grupo na sumuko na sa pamahalaan.

Batay sa mga dokumentong mula sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at sa Western Mindanao Command ng militar, una ng nakatulong nito lang nakalipas na walaong buwan ang Project Tugon sa 634 mga dating kalaban ng pamahalaan sa anim na mga probinsya ng BARMM, ang Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.

Ang naturang mga benepisyaryo ng Project Tugon, nabigyan din ng ayuda ng Rapid Emergency Action on Disaster Incidence-BARMM na pinamumunuan ni MILG Minister Naguib Sinarimbo, ay pumayag na magbalik loob sa pamahalaan sa pakiusap ng mga opisyal ng ibat-ibang mga unit ng Bangsamoro regional police at ng WestMinCom. (OCTOBER 1, 2023, John Unson, in Cotabato City)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *