Abot sa 377 na pamilya sa binaha na Sitio Punol sa Barangay Batulawan sa bagong tatag na bayan ng Malidegao ang nahatdan ng ayudang bigas at iba pang mga relief supplies mula sa tanggapan ni Bangsamoro Social Welfare Minister Raissa Jadjurie nitong Lunes, July 15, 2024.
Ang bayan ng Malidegao ay isa sa walong bayan na sakop ng Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ngunit nasa teritoryo pa sa kasalukuyan ng probinsya ng Cotabato sa Region 12.
Bawat isa sa 377 na mga binahang mga pamilyang Moro sa Barangay Batulawan ay tumanggap ng inisyal na ayuda mula sa Ministry of Social Services and Development-BARMM na 25 kilong bigas, mga de-latang pagkain, at instant coffee.
Nakatakda na ring mamigay ang MSSD-BARMM ng mga tarpaulin sheets na maaring gawing tolda at sleeping kits na magamit ng mga flood victims na lumikas sa kanilang mga tahanan na ngayon ay lubog sa tubig.
Ang bayan ng Malidegao ay hindi kalayuan sa 220,000-ektaryang Ligawasan Delta na agad na umaapaw at nagsasanhi ng pagbaha sa mga karatig na bayan tuwing tag-ulan. (July 16, 2024)