Tatlong tao ang agad na namatay sa banggaan ng isang pick-up truck at isang Kia Bongo light truck sa Barangay Polonuling sa bayan ng Tupi sa South Cotabato nitong madaling araw ng Huwebes, April 18, 2024.Sa hiwalay na ulat nitong Biyernes ng Tupi Municipal Police Station at ng Police Regional Office-12, hindi na umabot ng buhay sa pagamutan sina Ralph Anthony Zabala, 35-anyos at si Hernando Carl Cortez, 26-anyos, parehong sakay ng kulay itim na Mazda pick-up truck, at ang driver ng pulang Kia Bongo na may kargang isda, ang 40-anyos na si Louzel Defiño.Nagsalpukan ang magkasalubong na dalawang sasakyan sa isang bahagi ng General Santos-Koronadal Highway sa Barangay Polonuling sa Tupi, isa sa 10 na mga bayan sa South Cotabato na ang kabisera ay Koronadal City.Ayon sa mga imbestigador ng Tupi MPS at ng South Cotabato Provincial Police Office, sobrang bilis ang takbo ng pick-up truck na minamaneho ni Zabala at biglang itong nag-overtake sa sinusundang trailer truck kahit na papalapit na mula sa kabilang direskyon ng highway ang Kia Bongo kaya naganap ang matinding aksidente. (April 19, 2024)
UPDATE: 3 patay sa aksidente sa Tupi, South Cotabato

