Suspect sa panggagahasa mula pa 2015, arestado

Isang wanted mula pa 2015 sa kasong panggagahasa sa Iligan City ang natunton ng mga pulis sa Barangay San Isidro sa Siay, Zamboanga Sibugay nitong Lunes, March 4, 2024.Sa ulat nitong Martes ng Zamboanga Sibugay Provincial Police Office at ng Police Regional Office-9, ang 44-anyos na si Edmundo Magsayo Balala ay natagpuan, sa tulong ng mga impormante, sa Sitio Carbon sa Barangay San Isidro ng magkasanib na mga operatiba ng pulisya sa mga bayan ng Kabasalan at Siay at mga kasapi ng Regional Mobile Force Battalion 9 na sakop ng PRO 9.Hindi na pumalag si Magsayo ng pakitaan ng warrant of arrest para sa kasong rape at walang piyansang itinakda para sa kanyang pansamantalang paglaya na mula sa Regional Trial Court Branch 2 sa Iligan City, may lagda ni Judge Anisa Amanodin Umpa at may petsang January 30, 2015.Nakatakda ng ihahatid sa Iligan City si Balala upang doon na ikulong at lilitisan sa kasong rape na naisampa laban sa kanya pitong taon na ang nakakalipas. (March 5, 2024)