Patay on the spot ang kasapi ng isang Army Special Forces unit, si Army Private Juanito Apare Banquil, Jr., habang malubha naman ang kasamang si Ramil Quiao ng masapol ng kanilang motorsiklo ang isang concrete road barrier sa Barangay Poblacion sa Kidapawan City madaling araw nitong Linggo, August 4, 2024.
Sa inisyal na ulat ng Kidapawan City Police Office, ang nakaangkas sa naturang motorsiklo na si Banquil, 26-anyos, ang agad na namatay ng tumilapon at nabagok ang ulo sa sementong highway.
Nagtamo naman ng mga sugat at pasa sa katawan ang driver ng naaksidenteng motoriklo na si Quiao, 22-anyos.
Nagbabakasyon lang si Banquil sa kanilang lugar sa Barangay Guangan sa bayan ng Makilala sa probinsya ng Cotabato, hindi kalayuan sa sentro ng Kidapawan City.
Pauwi na sa Makilala ang dalawa, mula diumano sa isang kasiyahan, ng kanilang nabangga and concrete road barrier sa sentro ng Kidapawan City. (August 4, 2024)