Sundalo patay, kasama sugatan sa atake ng Dawlah Islamiya

Patay ang isang sundalo habang sugatan naman ang isa pa sa pag-atake ng mga teroristang Dawlah Islamiya sa kanilang detachment sa Barangay Pagatin 1 sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur nitong Sabado.

Sa hiwalay na pahayag nitong Lunes ng Shariff Saydona Mustapha Municipal Police Station at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, pumanaw sanhi ng mga tama ng bala si Private 1st Class Rosendo Gannaban ng 99th Infantry Battalion na kanyang natamo sa naturang insidente na nagresulta din sa pagkasugat ng isa niyang kasamang si Private First Class Lexter Lizardo.

Si Gannaban ay taga Barangay Divisoria sa bayan ng Enrile sa probinsya ng Cagayan sa Luzon at nakatakda ng ihatid ng kanyang mga kasama ang kanyang bangkay sa kanyang pamilya.
Sa inisyal na ulat ng mga barangay officials sa Pagatin 1, pinalibutan ng mga teroristang pinamumunuan ni Ben Harris Salamat ang detachment nila Gannaban at pinaputukan ng M14 at M16 assault rifles, kaya nagkapalitan ng putok na nagdulot din ng takot sa mga pamilyang Moro na nakatira sa kapaligiran.

Ang Dawlah Islamiya at kaalyadong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ay parehong kilala sa pagpapalaganap ng galit sa mga hindi Muslim at pambobomba ng mga establisemento at mga sasakyang pampubliko na ayaw magbigay ng “protection” money ang mga may-ari. (July 22, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *