
Nasakote ng pinagsamang anti-smuggling operation nitong Lunes ang apat na indibidwal at pagkakasamsam ng P2.2 milyong halaga ng smuggled na asukal sa isang pribadong shipyard sa Barangay Cawit, Zamboanga City.
Sinabi ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, Police Regional Office-Zamboanga Peninsula (PRO-9) director, iniulat na ang driver, 48; kahaliling drayber, 44; at dalawang lalaking pasahero na may edad 43 at 49 ay nahuli ng mga pulis at mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) dakong 3:40 a.m.
Nadiskubre sa operasyon ang 900 sako ng asukal, bawat isa ay tumitimbang ng 50 kilo.
Ang karagdagang pagsisiyasat ay nagsiwalat ng mga karagdagang sako na may parehong tatak na nakasalansan sa malapit, na nagpapatunay ng pagkakaroon ng mga ipinagbabawal na produkto.
Kasalukuyang kinukumpleto ng BOC-Port of Zamboanga ang imbentaryo ng mga nasamsam na asukal at ang dalawang 10-wheeler truck na sangkot sa pagbibiyahe ng mga kontrabando.
Naglunsad na ng imbestigasyon ang mga awtoridad para matukoy ang may-ari ng mga smuggled goods.
Source: Remate Online, Nov. 12, 2024