Patay ang limang mga bandido habang sugatan naman ang tatlong mga kasapi ng Special Action Force ng pulisya sa isang engkwentro sa Barangay New Panay sa Aleosan, Cotabato nitong umaga ng Martes, July 9, 2024.
Sa pahayag nitong Miyerkules in Brig. Percival Augustus Placer, director ng Police Regional Office-12, magsasagawa sana ng mapayapang search operation ang isang grupo ng mga pulis sa hideout ni Macabuat Salik sa Purok 7 sa Barangay New Panay sa Aleosan, kung saan may naka-iimbak diumano na shabu at mga assault rifles, ngunit pumalag siya at ang apat na mga kasama, namaril ng walang habas kaya nagkapalitan ng putok.
Patay sa naturang engkwentro si Salik, matagal ng minamanmanan ng pulisya at Army units sa probinsya dahil sa kanyang mga illegal na gawain, at ang apat niyang mga tauhan na nakunan pa ng mga baril sa tabi ng kanilang mga bangkay.
Ayon kay Placer, ang dapat sana ay mapayapang search operation ng mga kasapi ng Aleosan Municipal Police Station, ng SAF at ng Cotabato Provincial Police Office na nauwi sa engkwentro ay isinagawa batay sa kautusan ng isang korte sa isa sa mga bayan sa probinsya ng Cotabato.
Si Salik ay may koneksyon diumano sa mga teroristang grupong Dawla Islamiya ay Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, ayon sa mga opisyal ng mga unit ng 6th Infantry Division sa probinsya at mga kasapi ng mga opisyal ng mga police stations sa mga magkakatabing mga bayan ng Aleosan, Midsayap at Pikit na sakop ng Cotabato PPO. (July 10, 2024)