Shabu delivery sa Datu Piang, Maguindanao del Sur, napigil

Maagap na napigil nitong Martes, September 3, 2024, ng mga pulis sa isang checkpoint ang tangkang paghatid sana ng P340,000 na halaga ng shabu ng isang dealer sa isang contact sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao del Sur.

Sa inisyal na ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, naharang ang suspect, si Jack Macaalay, ng mga kasapi ng Datu Piang Municipal Police Station, pinamumunuan ni Captain Razul Pandulo, at ng mga operatiba ng ibat-ibang units ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office sa isang checkpoint sa Barangay Buayan sa naturang bayan.

Isinagawa ang checkpoint operation ng makatanggap ng ulat ang Datu Piang Municipal Police Station hinggil sa plano ni Macaalay na maghatid ng 50 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P340,000, sa isang buyer sa naturang bayan gamit ang isang arkiladong tricycle.

Tumalon mula sa kanyang inupahang tricycle si Macaalay at nagtangkang tumakas ngunit nagpigil siya ng mga pulis na nakaabang sa gilid ng highway bilang blocking force.

Mabilis na humarurot palayo ang driver ng tricycle na sinakyan ni Macaalay, ngayon magkatuwang na pinaghahanap na ng mga pulis at mga barangay officials sa Datu Piang. (Sept. 4, 2024) 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *