Shabu, baril nasamsam sa 2 ‘dayong’ dealers

Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-9 ang P340,000 na halaga ng shabu sa dalawang dealers mula sa malalayong mga probinsya na na-entrap sa Barangay Anonang sa Aurora, Zamboanga del Sur nitong Lunes, September 2, 2024.

Sa ulat nitong Miyerkules ni Maharani Gadaoni-Tosoc, director ng PDEA-9, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Haiden Lumambas Macasalong at kasabwat na si Jomair Kasanguan Amanodin, parehong nakakulong na matapos ma-entrap sa Purok 1 Matinabangon sa Barangay Anonang sa bayan ng Aurora.

Si Macasalong, taga Barangay Patidon sa Salvador, Lanao del Norte, at si Amanodin, residente ng Barangay Banday sa Malabang Lanao del Sur, ay matagal ng target ng entrapment operation ng PDEA-9 at ng Police Regional Office-9 dahil sa kanilang pagbebebenta ng shabu sa ibat-ibang bayan sa Zamboanga del Sur at sa kabisera nito, ang Pagadian City.

Ayon kay Gadaoni-Tosoc, maliban sa shabu, nakumpiska din mula sa dalawa ng PDEA-9 agents at mga pulis ang isang .45 caliber pistol at ang kanilang Suzuki minivan na kanilang gamit sa paghahatid ng shabu sa kanilang mga contacts sa malalayong mga lugar. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *