Nakumpiska ng mga pulis ang P300,000 na halaga ng shabu sa isang dealer na pinaniniwalaang namimigay ng parte kita sa mga terroristang grupo, nasabat sa isang checkpoint sa Datu Piang, Maguindanao del Sur nitong Lunes.
Sa pahayag nitong Miyerkules ni Brig, Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, agad na inaresto ang suspect, si Samsudin Ahman Saban, ng mga kasapi ng Datu Piang Municipal Police Station na pimamumunuan ni Captain Razul Pandulo ng makitaan ng isang baril at shabu sa loob ng kanyang sasakyan ng mapadaan sa kanilang checkpoint sa isang lugar sa naturang bayan.
Abot sa P300,000 ang halaga ng shabu na natagpuan sa loob ng sasakyan ni Saban, ayon sa ulat ng Datu Piang police kay Tanggawohn.
Ayon kay Tanggawohn, inaalam na ng mga imbestigador ang diumano ay pamamahagi ni Saban, ayon sa tip ng kanyang mga kakilala, ng kita sa pagbebenta ng shabu sa ilang mga commander ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Dawlah Islamiya upang malayang makapagsagawa ng kanyang illegal na gawain mga lugar na may presensya ng dalawang grupo. (August 14, 2024)