Pinasalamatan nitong Martes, July 23, 2024, ni Cotabato Gov. Emmylo Taliño Mendoza ang national government, sa pamumuno ni President Ferdinand Romualdez Marcos, Jr., ang Department of Social Welfare and Development at ang mga local government units na sakop ng kanyang tanggapan sa patuloy na pagpapatupad ng Social Pension Program sa probinsya.
Karagdagang 365 pa na mga senior citizens sa Kidapawan City, na siyang kabisera ng Cotabato, at sa mga bayan ng Alamada, Kabacan, Carmen, Mlang at Matalam ang tumanggap nito lang nakalipas na linggo ng P6,000 bawat isa kaugnay ng Special Pension Program ng DSWD.
Magkatuwang na ipinapatupad sa Cotabato province ang Social Pension Program ng DSWD-12, ng Provincial Social Welfare and Development Office at Provincial Treasurer’s Office at ng mga city at municipal governments na sakop ng administrasyon ni Gov. Mendoza.
Malaking bilang na ng mga senior citizens sa probinsya ng Cotabato ang nakatanggap na ng Social Pension mula sa DSWD nitong nakalipas na ilang buwan at hindi bababa sa P2.1 million ang pondong laan para sa probinsya kaugnay ng naturang programa.
Maliban kay President Marcos at DSWD Secretary Rex Gatchalian, pinasalamatan din ni Gov. Mendoza si DSWD-12 Regional Director Loreto Cabaya, Jr. sa kanyang masigasig na pangangasiwa ng Social Pension Program sa Cotabato Province at sa iba pang mga probinsya at lungsod sa Region 12.
Si Gov. Mendoza ang siyang presiding chairperson ng Regional Development Council-12. (July 23, 2024)