
Pormal ng naghain nitong Lunes, November 11, 2024, ng Senate Bill 2875 si Senator Robinhood “Robin” Padilla na naglalayong itatag ang Kutawato Province na sakop ang walong mga Bangsamoro municipalities sa Bangsamoro Special Geographic Area (SGA) sa probinsya ng Cotabato sa Region 12.
Ang mga bayan ng Pahamuddin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kaabakan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan, at Ligawasan na naitatag nitong taon lang sa pamamagitan ng enabling measures na gawa ng Bangsamoro regional parliament ang sasakupin ng Kutawato Province ayon sa panukala ng Senator Padilla.
Ayon kay Senator Padilla, mas magiging masigasig at malawig ang serbisyong matatamo ng mga residente ng walong Bangsamoro municipalities kung magkakaroon ng provincial government na siyang mamamahala sa naturang mga lugar.
Naging parte ng core territory ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang 63 barangays na sakop na ngayon ng walong bagong tatag na SGA municipalities ng bumoto ang mga residente ng naturang mga barangay pabor sa pagsama sa kanilang mga lugar sa BARMM sa pamamagitan ng isang plebisitong ginanap noon 2019.
Ang pagtatag ng BARMM ay kaugnay ng peace process ng Malacañang at ng Moro Islamic Liberation Front. Bilang resulta ng plebisito noong 2019 sa pagtatag ng BARMM, napalitan nito ang noon ay 27-taon ng Autonomous Region in Muslim Mindanao. (NOV.13, 2024, PHOTO FROM GOOGLE)