Namigay ng ayuda ang isang pribadong kumpanya sa mga pamilyang nasunog nitong Lunes, July 29, 2024, ang mga tahanan sa Barangay Liberty sa Tampakan, South Cotabato.
Mismong mga kawani ng Sagittarius Mines Incorporated, o SMI, ang siyang naghatid ng ayudang relief supplies at bigas sa mga pamilyang biktima ng sunog na tumupok ng 11 na magkakatabing mga bahay sa Barangay Liberty sa Tampakan.
Ang SMI ay kontratado ng Malacanang na magsagawa ng Tampakan Copper-Gold Project, nakatakdang magsisimula sa susunod na taon. May pormal na kasulatan ng pagsang-ayon sa naturang proyekto ang Blaan tribal council sa naturang bayan, ang National Commission on Indigenous People at ang maimpluwensyang multi-sector Regional Development Council 12.
Idinaan kamakalawa ng SMI ang ayuda para sa nasunugan sa barangay government ng Liberty na ang mga halal na opisyal ay agad naman na nagpasalamat sa kumpanya na bagamat hindi pa nakakapagsimulang isagawa ang Tampakan Copper-Project, ay gumastos na ng P2.7 billion para sa mga health, social welfare, education at iba pang mga humanitarian projects nito sa Tampakan at sa tatlo pang mga bayan, ang Malungon sa Sarangani, ang Columbio sa Sultan Kudarat at ang Kiblawan sa Davao del Sur.
Mismong mga local executives ng naturang mga bayan, kabilang sa kanila si Kiblawan Mayor Joel Calma, Malungon Mayor Ma. Theresa Constantino, at Columbio Vice Mayor Bai Naila Mamalinta, ang nagkumpirma nito. (August 1, 2024)