Sa Basilan: P1 million pabuy sa ikadarakip ng 5 presong pugante

Nag-alok ng P1 million na pabuya si Basilan Governor Hadjiman Salliman nitong Lunes para sa sinumang makakatulong sa pag-aresto sa limang mga preso na tumakas mula sa Basilan Provincial Jail nitong Linggo, March 30, 2025.

Pinaghahanap na ng mga kasapi ng ibat-ibang mga units ng Basilan Provincial Police Office at ng intelligence personnel ng 101st Infantry Brigade ng Philippine Army ang limang mga pugante — sina Mahad Hassan, Ibrahim Badju, Maudz Ahmad, Tiddie Buga at Mohammad Amar — na tumakas sa provincial jail nitong Linggo ng hapon.

Ayon kay Salliman naglaan ng P1 million ang kanyang tanggapan na igagawad sa sinumang makakatulong sa muling pagkaka-aresto ng lima na may mga kinakaharap na mga kasong mabigat katulad ng murder at illegal possession ng mga pampasabog at mga baril.

Iniulat nitong Lunes ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na nagtutulungan sina Salliman, ang mga opisyal ng Basilan provincial police at mga mayors sa pagtunton sa limang mga puganteng lahat ay mga residente ng probinsya. (April 1, 2025)