
Nasa kulungan na ang isang pulis na nakapatay ng kasamang pasahero sa bus at nakasugat ng dalawang kasama sa serbisyo na nagtangkang sitain siya sa hangganan ng mga probinsya ng Cotabato at Davao del Sur nitong madaling araw ng Sabado, December 28, 2024.
Sa mga hiwalay na ulat bago magtanghali nitong Sabado, kinumpirma ng mga provincial police office sa Cotabato at Davao del Sur na nakapiit na si Cpl. Alfred Dawatan Sabas ng Police Station 7 sa General Santos City, sakop ng Police Regional Office-12, naaresto ng mga kapwa pulis na nagresponde sa insidente.
Ayon kay Police Col. Gilbert Tuzon, Cotabato provincial police director, naganap ang madugong insidente sa boundary ng Barangay Batasan sa Makilala, Cotabato at sa Barangay New Opon sa Magsaysay, Davao del Sur.
Sakay ng isang bus ang noon ay lasing na si Sabas, kasama ang kanyang kabiyak na si Phoenix, na una niyang nakasugatan bago bumunot ng baril at nagpaputok ng ilang beses paitaas at sa sahig ng bus bago niya binaril ang kapwa nila pasaherong si Reynaldo Bigno, Jr. na agad na namatay sa mga tama ng bala sa katawan.
Binaril at nasugatan ni Sabas ang dalawang kasapi ng 11th Regional Mobile Force Battalion ng Police Regional Office-11, sina Cpl. Kent Maurith Pamaos at Patrolman Russel Love Tapia, na nag-responde sa insidente mula sa kanilang hindi kalayuang checkpoint.
Nagtangkang tumakas si Sabas ngunit nasukol din at naaresto ng mga kasama ng dalawang pulis na kanyang nabaril, ngayon ginagamot na sa isang hospital.
Ayon kanyang mga kamag-anak sa Kidapawan City, na siyang kabisera ng Cotabato, at mga kasama sa General Santos City Police Office, matagal na silang duda na lulong sa shabu si Sabas na madalas na lasing at napapaaway kung lango na sa alak.
Ang kanyang kabiyak na si Phoenix ay kilala ding shabu dealer, naaresto ng mga pulis sa isang entrapment operation sa Kidapawan City nito lang February 2024 at nakulong ngunit pansamantalang pinalaya sa pamamagitan ng isang probation program ng pamahalaan para sa mga drug offenders kapalit ng pangakong magbabagong buhay na. (Dec. 28, 2024)