
BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangangailangan para sa mapayapang pagdaraos ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa susunod na taon.
Sinabi ni Pangulong Marcos, ang electoral process ang susi para sa kapayapaan sa Mindanao.
Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang naging pagdalo sa 2nd Joint National Peace and Order Council (NPOC)-Regional Peace and Order Councils (RPOCs) meeting for 2024 sa Camp Crame sa Quezon City, araw ng Huwebes.
Sa naturang pulong, muling inulit ni Pangulong Marcos ang pangangailangan sa pagsunod sa non-escalatory approaches sa West Philippine Sea (WPS).
Nauna rito, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi magpapadala ang Pilipinas ng Navy warships sa WPS sa kabila ng kamakailan lamang na pang ha-harass ng Tsina.
Binigyang diin din nito ang hakbang ng bansa na ituloy ang resupply mission at protektahan ang territorial rights nito.
Sinabi pa rin niya na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pagtataguyod sa mapayapang resolusyon sa regional issue.
Source: Remate Online, Dec. 12, 2024, Kris Jose