Plano ng BARMM, labag sa batas

Ito ay ayon sa decision ng Supreme Court En Banc, bilang tugon sa petition at pag-usisa ng ilang mga tutol sa panukala ng Bangsamoro parliament na magtatag ng mga bayan ng Datu Sinsuat Balabaran at Sheik Abas Hamza mula sa ilang mga barangay sa Datu Odin Sinsuat, at ang Nuling na sasakop sa ilang mga barangay sa Sultan Kudarat.

Ang Datu Odin Sinsuat at ang Sultan Kudarat ay mga sinaunang mga bayan sa Maguindanao del Norte, naitatag ilang dekada na ang nakalipas bago pa naman nabuo ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, o BARMM, nito lang 2019.

Sa pahayag nitong Martes, August 20, 2024, ng spokesperson ng Supreme Court na si Attorney Camille Sue Mae Ting, unconstitutional, o na labag sa batas ang tatlong panukala ng BARMM parliament — ang Bangsamoro Autonomy Acts 53 at 54 at 55 — na naglalayong itatatag, sa pamamagitan ng plebisito, ang mga bayan ng Datu Sinsuat Balabaran, Sheik Abas Hamza at Nuling.

Sa pahayag ni Attorney Ting, illegal ang naturang mga panukala dahil tanging mga residente lang ng mga barangay na sasakupin ng tatlong bayan na nais itatag ng BARMM parliament ang lalahok sa mga plebisitong isasagawa ng Commmision on Elections upang malaman kung sila ay pabor, o hindi, sa pagtatag ng naturang tatlong mga bayan, at walang kinalaman sa naturang democratic exercise ang iba pang mga residente ng Datu Odin Sinsuat at Sultan Kudarat na nasa labas ng proposed areas of coverage ng tatlong nais na itatag na mga bagong bayan.

Kasabay ng desisyon ng Supreme Court En Banc hinggil sa naturang issue ang pag-utos nito sa Commission on Elections na Huwag magsagawa ng plebisito kaugnay ng layunin ng Bangsamoro Autonomy Acts 53, 54 at 55 na naglalayong maitatag ang mga bayan ng Datu Sinsuat Balabaran, Sheik Hamza Abas at Nuling mula sa mga barangay na sakop ng mga bayan ng Datu Odin Sinsuat at Sultan Kudarat na parehong malapit lang Cotabato City na siyang regional center ng Bangsamoro region. (AUGUST 21, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *