Pumanaw sa isang hospital sa Zamboanga City madaling araw nitong Biyernes ang isang kasapi ng Philippine Coast Guard na Yakan na nabaril sa Lamitan City, Basilan nitong hapon ng Huwebes.
Kinumpirma nitong tanghali ng Biyernes ng Lamitan City Police Station at ng Basilan Provincial Police Office ang pagkamatay ng PCG member Nurjan Ijal Birong, 26-anyos at taga Akbar, Basilan sanhi ng mga tama ng bala sa kanyang kaliwang braso na tumagos sa tagilirang bahagi ng kanyang dibdib.
Sa inisyal na ulat nitong Huwebes in Lt. Col. Arlan Delumpines, police chief ng Lamitan City, naglalakad si Birong, naka destino sa Ormoc City, at ang kanyang 25-anyos na kasintahang si Mudzrika Gayot Aman sa isang lugar sa Barangay Maligaya ng siya ay pagbabarilin ng isang lalaking nakaabang sa gilid ng daan na mabilis na tumakas gamit ang isang motorsiklo.
May theorya ang mga local government officials ng Akbar, hindi kalayuan sa Lamitan City, na kababayan din nila ang bumaril kay Birong, isang krimen na posibleng nag-ugat diumano sa personal grudge.
Unang dinala sa Lamitan City District Hospital si Birong at isinugod sa isang mas modernong pagamutan sa Zamboanga City dahil sa kanyang maselang kalagayan at doon na namatay habang ginagamot ng mga doctor nitong madaling araw ng Biyernes. (JUNE 21, 2024)