Nasisiyahan ang Moro National Liberation Front sa pagtangkilik ni President Ferdinand Marcos, Jr. ng Mindanao peace process na unang sinimulan ng mga presidenteng nanilbihan bago siya nailulok sa puwesto noong 2022.
Parehong nagpasalamat nitong Sabado, August 3, sina Bangsamoro Labor Minister Muslimin Sema na siyang chairman ng central committee ng MNLF at si Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim, leader ng Moro Islamic Liberation Front, sa kanilang napunang pagsisikap ni President Marcos na maisulong ang peace process at maprotektahan ang mga resulta nito.
Ang pahayag ni Sema at ni Ebrahim ay kasunod ng kanilang pagdalo sa pagtitipon nitong July 31 ng mga representatibo ng ibat-ibang mga ahensya ng national government at ministries ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na bumubuo ng Intergovernmental Relations Body, o IGRB.
Isinusulong ng IGRB ang ibat-ibang mga programang kaugnay ng pagpapaunlad at pagpapalawig ng kapayapaan sa mga lugar sa Mindanao na sakop ng peace process ng Malacañang at ng Moro communities.
Ayon kay Sema, nagagalak din ang MNLF sa malawak na inisyatibo ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, pinamumunuan ni Secretary Carlito Galvez, Jr., na maipatupad ang mga proyektong naglalayong mapanatili ang magandang ugnayan ng Malacañang, ng MNLF at ng MILF, na may hiwalay na peace agreements sa pamahalaan.
Kabilang sa mga tinalakay na mga accomplishments ng IGRB nitong nakalipas na mga buwan, sa pagtitipon ng mga national government at BARMM officials sa Malacañang nitong July 31 na dihaluhan ni Sema, ang pagkakapasok ng MNLF at MILF members sa Philippine National Police at ang panukalang pagbigay ng amnesty sa mga dating Moro rebels.
Nabuo din ng mga miyembro ng IGRB ang polisiyang magkatuwang na pamamahala ng national government at ng BARMM ng anumang exploration, o pagmimina ng fossil fuels, gaya ng coal, at natural gas, at mga minerals, katulad ng copper, gold, nickel at iba pa, sa autonomous region. (AUGUST 4, 2024)