Nasamsam ng mga pulis ang P630,000 na halaga ng sigarilyong gawa sa Indonesia sa dalawang hiwalay na anti-smuggling operations sa magkatabing mga bayan ng Sultan Mastura at sa Sultan Kudarat sa probinsya ng Maguindanao del Norte.
Sa pahayag nitong Miyerkules, June 12, 2024, ni Brig. Gen. Alex Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nasabat nitong Lunes ng mga pulis ang abot sa P450,000 na halaga ng mga sigarilyong kahahatid lang ng isang pumpboat sa Barangay Simuay Seashore sa Sultan Mastura, nakahanda na sanang ihahatid sa mga tindahan sa naturang bayan.
Naaresto ng mga kasapi ng Sultan Mastura municipal police ang isang lalaking nagbabantay ng naturang mga imported na sigarilyo na ayon kay Tanggawohn ay posibleng mula diumano sa Sulu, o sa Tawi-Tawi.
Unang nasamsam ng mga pulis nitong gabi ng Linggo ang P180,000 na halaga ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia sa isang bakanteng lote sa Barangay Ungap sa Sultan Kudarat na na-diskubre ng mga residente, binabantayan ng mga lalaking naghihintay ng sasakyang susundo sana sa naturang kontrabando.
Ayon kay Tanggawohn, tumakas ang mga lalaking nagbabantay sa naturang mga smuggled na sigarilyo ng mapansin na may parating na mga kasapi ng Sultan Kudarat Municipal Police Station na naatasang magsiyasat sa mga ulat mga residente hinggil sa pagdating ng ilang kahon na mga sigarilyo mula sa isang lugar sa kanlurang baybayin ng naturang bayan. (JUNE 12, 2024)