Nakumpiska ng mga pulis ang abot sa P6.8 million na halaga na shabu sa isang dealer na na-entrap sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Martes.
Sa inisyal na pahayag ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, agad na inaresto ng mga operatiba ng Sultan Kudarat Municipal Police Station ang suspect, ang 30-anyos na si Morsalon Bual Tantong, matapos silang bentahan nito ng isang kilong shabu, nagkakahalaga ng P6.8 million.
Unang nai-plano ng mga kasapi ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, pinamumunuan ni Lt. Col. Esmael Madin, na sa Barangay Salimbao sa naturang bayan isagawa ang entrapment operation, ngunit nalipat sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat sa kahilingan ni Tantong na taga Barangay Dalapang sa Labangan, Zamboanga del Sur.
Ayon kay Tanggawohn, maliban sa shabu, nakumpiska din ng grupo nila Madin at mga miyembro ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station ang kotseng gamit ni Tantong, isang kulay blue na Toyota Vios na may plakang GAV 7231.
Nakakulong na si Tantong at nahaharap na sa kasJong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ayon kay Tanggawonh. (July 23, 2024)