Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-9 ang P6.8 million na halaga ng shabu sa isang dealer na na-entrap nitong Sabado, June 22, 2024, sa sentro ng Kabasalan sa probinsya ng Zamboanga Sibugay.
Kinumpirma nitong Linggo ni Maharani Gadaoni-Tosoc, director ng PDEA-9, na nasa kustodiya na nila ang nalambat na shabu dealer na si Hairy Ramos Baladji, 42-anyos, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kusang loob na nagpa-aresto si Baladji ng malaman na mga PDEA-9 agents at mga kasapi ng Kabasalan Municipal Police Station at ng Zamboanga Sibugay Provincial Police Office ang kanyang nabentahan ng isang kilong shabu, nagkakahalaga ng P6.8 million, nitong Sabado sa poblacion ng Kabasalan.
Ayon kay Gadaoni-Tosoc, naikasa ang naturang matagumpay na entrapment operation sa tulong ng mga barangay officials na alam ang matagal ng malakihang pagbebenta ng shabu sa Kabasalan. (JUNE 23, 2024)