
Nakumpiska ng mga pulis ang P400,000 na halaga ng mga sigarilyong mula sa Indonesia sa isang anti-smuggling operation sa Barangay Guintolan sa Imelda, Zamboanga Sibugay nitong Huwebes, October 3, 2024.
Sa ulat ng mga himpilan ng radyo sa Cotabato City nitong Biyernes, mismong mga lehitimong mga cigarette dealers sa Zamboanga Sibugay ang tumulong na maikasa ang naturang operasyon na nagresulta din sa pagkaka-detine ng driver ng light truck at kanyang helper na maghahatid sana ng naturang kontrabando sa ilang mga contacts sa bayan ng Imelda.
Ayon kay Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ngPolice Regional Office-9, nasabat ng mga kasapi ng Imelda Police Station at mga operatiba ng Zamboanga Sibugay at PRO-9 ang mga imported na sigarilyo sa isang liblib na pook sa Barangay Guintolan.
Ayon kay Masauding nasa kustodiya na nila ang malalaking mga kahon na may lamang mga sigarilyong may mga brand na YS Menthol Plus, Canon Menthol, Lacost, Fort at Grow Black Ice, na gawa sa Indonesia na naipasok sa Mindanao ng walag kaukulang pahintulot mula sa Bureau of Customs. (October 4, 2024)