Nasamsam ng mga pulis ang P15 million na halaga ng sigarilyong gawa sa Indonesia sa isang anti-smuggling operation sa Siay, Zamboanga Sibugay madaling araw nitong Martes.
Sa pahayag nitong Miyerkules ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, nakumpiska ang 283 na kahon ng mga imported na sigarilyo sa isang smuggler sa Purok 4 sa Barangay Laih sa Siay.
Ayon kay Masauding at sa mga opisyal ng Zamboanga Sibugay Provincial Police Office, katuwang ng PRO-9 ang mga kawani ng Bureau of Customs, o BOC, sa pagsagawa ng naturang anti-smuggling operation na inalalayan din ng mga local executives sa probinsya.
Ayon kay Masauding, may direktiba na siya sa mga opisyal ng mga police units na nagsagawa ng naturang matagumpay na operasyon na ipakustodiya na agad sa BOC ang nakumpiskang kontrabadong abot sa P15 million ang halaga para sa kaukulang disposisyon ng ahensya. (Dec.4, 2024)