Nakumpiska ng mga pulis at mga kawani ng Bureau of Customs ang P12.4 million na halaga ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia sa mga hiwalay na operasyon sa Zamboanga City nitong Miyerkules, July 17, 2024.
Sa pahayag nitong Huwebes ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, unang nasamsam bandang hapon ng Miyerkules ng magkasanib na mga pulis at agents ng BOC ang P6.8 million na halaga ng mga sigarilyong imported na nakaimbak sa isang lugar sa Purok 6 sa Barangay Sinunuc.
Naaresto din sa naturang operasyon ang dalawang lalaking nagbabantay ng naturang kontrabando, ayon kay Masauding.
Abot naman sa P5.6 million na halaga ng imported na mga sigarilyo ang nasamsam ng isa pang joint police-BOC team sa isang raid sa Zone 1-A sa Barangay Maasin gabi ng Miyekules.
Ang naturang operasyon ay nagresulta din sa pagkaaresto ng isang lalaking namamahala ng maliit na bodega sa Barangay Maasim kung saan natagpuan ang mga imported na sigarilyo. (July 18, 2024)