Nakumpiska ng mga pulis ang abot sa P11.1 million na halaga ng imported na sigarilyong nakaimbak sa isang bahay sa Barangay Patalon sa Zamboanga City nitong gabi ng Miyerkules.
Sa ulat nitong Biyernes ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, natagpuan ng kanilang mga operatiba ang 195 na mga kahon ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia sa isang bahay sa Purok 5, Parfamco Drive sa Barangay Patalon sa tulong ng mga impormanteng sumusuporta sa anti-smuggling operations ng Zamboanga City Police Office.
Ayon kay Masauding, pag-aari ng isang nagngangalang Aubrey Mohammad ang bahay kung saan natagpuang nakaimbak ang mga sigarilyong gawa sa Indonesia.
Naikasa ng mga kasapi ng Zamboanga City Police Office at iba pang mga unit ng PRO-9 ang naturang anti-smuggling operation ng makatanggap ng ulat sa ilang residente ng Barangay Patalon hinggil sa pag-iimbak ng mga imported na sigarilyo sa tahanan ni Mohammad, ayon kay Masauding. (JUNE 28, 2024)