Nasamsam ng mga pulis ang P10.6 million na halaga ng sigarilyong mula sa Indonesia sa isang anti-smuggling operation sa Barangay Kajatian sa Indanan, Sulu nitong Biyernes.
Sa pahayag nitong Lunes ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nasa magkatuwang na kustodiya na ng Indanan Municipal Police Station at ng Sulu Provincial Police Office ang nakumpiskang mga sigarilyong mula sa Indonesia.
Natagpuan ng mga pulis ang 297 na malalaking kahon na naglalaman ng mga sigarilyo, abot ng P10.6 million ang halaga, sa isang bodega sa Sitio Smart sa Barangay Kajatian sa tulong ng mga residenteng masigasig ang suporta sa kampanya ng PRO-BAR laban sa pagbebenta sa Bangsamoro region ng mga sigarilyong imported na walang pahintulot mula sa Bureau of Customs.
Isang lalaking nagbabantay ng warehouse kung saan nakaimbak ang mga nasamsam na mga sigarilyo ang agad na inaresto ng mga pulis sa naturang operasyon at ngayon inaalam na ng mga imbestigador mula sa kanya kung sino ang negosyanteng nagmamay-ari nito. (JUNE 24, 2024)